Magagamit ang TV ads sa pagtuturo

Tuesday, January 15, 2008

PANGKALUSUGAN 1 – Anyong Rondo

Semi-Detalyadong Planong Leksyon sa Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP)
Ikaanim na Grado

University of Nueva Caceres
Elementary Laboratory, T.P. 2007-2008

I. Kasanayan sa Pagkatuto
1. Napapahalagahan ang mga awitin at tugtugin ayon sa anyong rondo (ABACA)
2. Nakikilala ang mga awitin/tugtuging may anyong rondo
3.

II. Paksang-leksyon: Anyong Rondo
Integrasyon:
• EKAWP: Kaangkupang pisikal
• FILIPINO: Diptonggo
• SINING: Collage
Sanggunian:
• Umawit at Gumuhit 6, Tekstbuk, pp. 33-36
• Umawit at Gumuhit 6, Manwal ng Guro, pp. 37-41
• Knorr TV ad na “Makulay ang Buhay” http://youtube.com/watch?v=WHr-PQO8t5Y
Mga Kagamitan:
• musical score ng “Play Song” sa tsart C 2/4
• pitch pipe
• projector
• computer na may internet connection (o computer at kopya ng TV ad)

III. Mga Gawain sa Pagkatuto
A. Panimulang Gawain
1. Pagpapanood ng TV ad na “Makulay ang Buhay” ng Lucky Me at pagsabay ng klase sa pag-awit nito

2. Itanong/Sabihin:
• Ano ang napansin nyo sa kanta?
• Ang bahaging inuuli-ulit sa kanta ay:

Makulay (makulay)
Ang buhay (ang buhay)
Makulay ang buhay
Sa sinabawang gulay

• Ano-anung salitang nabanggit sa kanta ang may diptonggo?

gulay makulay buhay sabaw kami’y

B. Mga Gawain sa Pagdevelop ng Leksyon
1. Pag-usapan ang mga natutunan ng mga bata tungkol sa mga simbolong may kaugnayan sa anyo.
2. Ilahad ang iskor ng “Play Song”.
3. Ipasuri sa mga bata ang mga simbolong may kaugnayan sa anyo.
4. Ipatukoy sa mga bata kung paano ang gagawing pag-uulit sa iba’t ibang bahagi ng awit.
5. Iparinig sa mga bata ang “Play Song” at ipasulat ang anyo.

C. Paglalahat
1. Itanong:
• Ilang bahagi ang naririnig sa “Play Song”?
• Hanapin ang himig A, himig B, himig C at ang laging inuulit na himig A.
• Isulat ang anyo ng awit.

D. Pangwakas na Gawain
1. Ipaawit sa mga mag-aaral ang “Maligang Araw” at ipasuri ang anyo.
2. Pakrieytin ang mga bata ng maikling ritmo at pabuuin ng isang rondo.

IV. Asaynment
1. Gumawa ng collage ng mga bagay na umiikot-ikot.

PANGKALUSUGAN 2 - Kabuuang Kaangkupang Pisikal

Semi-Detalyadong Planong Leksyon sa EPK (MSEP)
Ikaanim na Grado

University of Nueva Caceres
Elementary Laboratory, T.P. 2007-2008

I. Kasanayan sa Pagkatuto
1. Naisasagawa ang mga wastong gawain na nagpapaunlad ng kabuuang kaangkupang pisikal
2. Nagkakaroon ng pagnanais na mapaunlad ang kaangkupang pisikal
3.

II. Paksang-leksyon: Kabuuang Kaangkupang Pisikal
Integrasyon:
• EKAWP: Pagsunod sa panuto
Sanggunian:
• Tayo Nang Magpalakas 6, Tekstbuk, pp. 27-30
• Tayo Nang Magpalakas 6, Manwal ng Guro, pp. 17-22
• Whisper “Do the Flexi moves” http://youtube.com/watch?v=ZHlZBq8Ki7o
Mga Kagamitan:
• projector
• computer na may internet connection (o computer at kopya ng TV ad)

III. Mga Gawain sa Pagkatuto
A. Panimulang Gawain
Laro: 1 – 2 – 3
1. Pagpanood ng TV ad na “Do the Flexi Moves” ng Whisper.

2. Sa signal ng guro, lahat ng bata ay gagawin ang babanggiting kilos habang sumasabang sa kumpas ng “Do the Flexi Moves” at bumibilang ng isa hanggang walo at pabalik sa isa. Makakapagpagawa ng tatlong iba’t ibang kilos sa kabuuang kanta.

B. Panlinang na Gawain
1. Sabihin/Ipakita:
Ang obstacle course ay isang kaayusan ng maliliit at malalaking kagamitan na magsisilbing hadlang sa pagsasakilos ng mga gawain para sa ikauunlad ng kaangkupang pisikal tulad nang nakikita nyo sa ating palaruan. Bawat bata ay dadaan sa course sa maayos at mabilis na paraan. Ang mga balakid na inyong dadaanan ay ang mga sumusunod:
a. Mt. Pinatubo (pag-akyat para sa pagpapaunlad ng lakas)
b. Ahas (pagtakbo sa mga buklod o goma na ang bawat paa ay nakapasok sa tig-isang buklod o
goma upang mapaunlad ang kaliksihan)
c. Lungga (paggapang upang mapaunlad ang lakas at tatag ng braso at balikat)
d. Hadlang (paglundag upang mapalakas ang kalamnan ng binti)
e. Tarzan (palipat-lipat na paglambitin sa pahigang hagdan upang mapalakas ang braso at
balikat)
f. Pagtulay sa Alambre (paglakad sa balans bim o bangko o torso upang mapaunlad ang panimbang)
g. Maze (Pagkandirit sa bean bags upang maging matatag)
h. Lundag palaka (paglundag sa kahon o traffic cones para sa lakas ng binti)

2. Sabihin/Itanong:
• Ang mga buong course ay tulad sa buhay ng tao. Puno ito ng mga pagsubok.
• Gaano kahalaga ang pagkakaroon ng malakas na pangangatawan at malusog na isipan upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay?

3. Pamantayan: Anu-ano ang mga dapat na laging isaisip upang maiwasan na makasakit ng kapwa at mapangalagaan din ang sarili?

4. Pagsasanay: Praktisin ang mga bata sa lugar ng mga kilos na dapat isagawa sa bawat istasyon.

5. Pagsasagawa: Hatiin ang klase sa 8 pangkat upang makajoin ang lahat at maiwasan ang kalituhan at bungguan. Ilagay ang bawat pangkat sa 8 istasyon. Sa signal na “SIMULA”, isasagawa ang kilos sa bawat istasyon ng bawat pangkat.

Makatapos ng 1 istasyon, tutuloy naman sa susunod na istasyon hanggang sa maikot ang 8 istasyon. Kung maaari doblehin ang dami ng kagamitan sa istasyon 2, 7 at 8 upang makapagsimula ang dalawang bata sa bawat istasyong ito.

6. Paglalapat:
Laro: 1 – 2 – 3

a. Pangkatin ang buong klase na anim-anim ang bawat pangkat. Ang manlalaro bilang 4, 5 at 6 ay nakahanay buhat sa panimulang guhit.
b. Manlalaro 1, ang puno, ay nakatayo sa ikutang guhit na nakaunat paitaas ang mga binti.
c. Manlalaro 2, ang tulay, ay nakatayo sa pagitan ng pamulaan at ikutang guhit; ang mga binti ay magkalayo.
d. Manlalaro 3, ang bata, ay nasa ayos pasubsob sa unahan ng pamulaang guhit.
e. Sa signal na “SIMULA”, ang manlalaro 4 ay:
__ lulukso sa ibabaw ng bato
__ gagapang sa ilalim ng tulay
__ tatakbo paikot sa puno
__ tatapikin ang kamay ng susunod na manlalaro
__ pipila sa likod ng hanay
f. Ipagpatuloy ang gawain hanggang sa matapos ang pangkat.
g. Pagkatapos, ang “bato” ay:
__ gagapang sa ilalim ng tulay
__ tatakbo paikot sa puno
__ muling gagapang sa tulay
__ tatakbong pabalik sa likod ng hanay
h. Ang “tulay” ay tatakbong paikot sa puno at pabalik sa likod ng hanay.
i. Maaaring pagpalitin ang mga tauhan at ulitin ang laro.

C. Pangwakas na Gawain
Laro: Lupa, Hangin, Apoy at Tubig

Kaayusan – Nakabilong paharap sa gitna
1. Pumili ng “taya”. May hawak ang taya ng panyo o binalumbon na diyaryo.
2. Ihahagis ng “taya” ang dyaryo/panyo sa isang bata at sasabihin ang alinman sa –LUPA, HANGIN, APOY o TUBIG at bibilangin niya ang kalaro hanggang sampu.
3. Ang mga inaasahang sagot/gagawin ng kalaro ay kapag sinabi ang:
a. “LUPA” – magsabi ng pangalan ng hayop na gumagala sa lupa
b. “HANGIN” - magsabi ng pangalan ng hayop na lumilipad sa himpapawid
c. “TUBIG” - magsabi ng pangalan ng hayop na lumalangoy sa ilog o dagat
d. “APOY” – hindi dapat magsalita ang manlalaro.

4. Kapag nakapagbigay nang wastong ang manlalaro, magpapatuloy ang “taya” sa paghuli ng iba. Kapag nagkamali ang manlalaro, magpapalit sila ng lugar ng “taya”.

IV. Pagbibigay-Halaga
1. Alin sa mga balakid sa obstacle course ang nahirapan kayong gawin? Bakit?
2. Anong mga kakayahan ng katawanang napapalakas ng mga gawain natin?

PANGKALUSUGAN 3 - Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagiging Maayos

Semi-Detalyadong Planong Leksyon sa Edukasyong Pangtahanan at Pangkabuhayan (EPP)
Ikaanim na Grado

University of Nueva Caceres
Elementary Laboratory, T.P. 2007-2008

I. Kasanayan sa Pagkatuto
1. Naipaliliwanag ang mga kailangan sa maayos at mabikas na paggayak
2. Natutukoy ang mga kailangan upang maging maayos at mabikas ang tindig
3.

II. Paksang-leksyon: Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagiging Maayos at Mabikas
Integrasyon:
• EKAWP: Pakikisama, Pagpapakumbaba
• Filipino: Panlapi
Sanggunian:
• Makabuluhang Gawaing Pantahanan at Pangkabuhayan 6, Tekstbuk, pp. 26-28
• Makabuluhang Gawaing Pantahanan at Pangkabuhayan 6, Manwal ng Guro, pp. 11-13
• Anchor Milk TV ad na “Anchor Family” http://www.youtube.com/watch?v=5pNaWERKgbs
Mga Kagamitan:
• projector
• computer na may internet connection (o computer at kopya ng TV ad)

III. Mga Gawain sa Pagkatuto
A. Panimulang Gawain
1. Bigyan ng pagsasanay ang mga bata tungkol sa mga paraan ng pangangalaga ng kasuotan.
2. Pagbalik-aralan ang hakbang sa paglalaba

B. Mga Gawain sa Pagdevelop ng Leksyon
1. Talakayin ang kahulugan ng mga sumusunod na talasalitaan sa pamamagitan ng pagtuklas sa salitang-ugat at mga panlaping ginamit. Gamitin ang mga nilapian at salating ugat nito sa pangungusap.

tungkulin karapatan pananagutan ginagampanan

2. Ipapanood ang TV ad na “Anchor Family” ng Anchor Milk. Hayaang nagbigay ng dalawa o tatlong pangungusap ang mga bata ukol dito.

3. Tawagin ang mga bata at tanungin kung ano ang kanilang ginagawa sa bahay.
4. Talakayin ang mga tungkulin, karapatan at pananagutan ng bawat kasapi ng mag-anak. Gumawa ng balangkas sa blakbord.

Kasapi ng mag-anak Tungkulin/Karapatan Pananagutan
A. Tatay
B. Nanay
C. Mga anak

5. Talakayin ang kahalagahan ng pagtupad sa tungkulin at kung ano ang maaaring mangyari kung hindi gagampanan ang tungkulin.

C. Pangwakas na Gawain
1. Ipatala sa mga bata ang kanilang mga tagubilin at karapatan sa tahanan.
2. Bilang pagpapahalaga, ipasagot sa mga bata ang pantiyak na pagsubok.

Piliin sa Hanay B ang tamang sagot.
A B
1. Karapatan a. Mga gawaing ibinibigay sa bawat
kasapi ng mag-anak upang gampanan
2. Tungkulin b. Mga kalagayang tinatamasa ng
bawat kasapi ng mag-anak na may hangganan at katumbas na pananagutan
3. Pananagutan c. Obligasyon
4. Ginagampanan d. Mga tungkuling dapat gampanan
5. Kasiya-siyang pamumuhay
e. Maayos at mabuting pagsasamahan
ng mag-anak

IV. Asaynment
1. Ipatala sa mga bata ang mga paraan ng paggalang sa karapatan ng mga kasambahay. Ipaulat sa klase.

PANGKALUSUGAN 4 – Ang Mapagmahal na Nilalang

Semi-Detalyadong Planong Leksyon sa Edukasyong sa Kagandahang-Asal at Wastong Pag-uugali (EKAWP)
Ikaanim na Grado

University of Nueva Caceres
Elementary Laboratory, T.P. 2007-2008

I. Kasanayan sa Pagkatuto
1. Natutukoy ang mga bagay na nagpapakita ng pagmamahal sa Diyos
2. Nakagagawa ng sariling opinion batay sa paksang pinag-uusapan
3. Napapahalagahan ang mga detalye sa sanaysay

II. Paksang-Aralin: Ang Mapagmahal na Nilalang
Integrasyon:

Referens:
• Character Education 6, pp. 19-25
• TV ad na “Anak” ng Bioflu http://www.youtube.com/watch?v=Epqj2gjH2lw
Mga Kagamitan:
• projector
• computer na may internet connection (o computer at kopya ng TV ad)

III. Mga Gawain sa Pagkatuto
A. Panimulang Gawain
1. Pagbibigay ng maikling sanaysay patungkol sa pagmamahal ng Diyos

B. Panlinang na Gawain
1. Ipasagot ang mga sumusunod na tanong:
• Tungkol sa anong bagay ang sanaysay na napakinggan?
• Sino ang tinutukoy na nilalang sa sanaysay?

C. Paglalahat
1. Anu-ano ang mga bagay na galing sa Diyos?
2. Ipaliwanag kung bakit dapat na makuntento ang bawat tao sa mga bagay na laan lamang sa kanya.



D. Paglalapat
1. Tukuyin at ipaliwanag kung alin sa mga sumusunod ang nagpapakita ng pagpapasalamat sa Diyos.
• Pagdarasal pagkagaling at bago matulong
• Pakikipag-away sa mga mag-aaral
• Pagdadabog kung hindi napagbigyan sa kahilingan

IV. Gawain
1. Sumulat ng maikling sanaysay tungkol sa paksang “Ipagpasalamat sa Diyos.”

V. Asaynment
1. Pumili ng TV ad na nagpapakita ng pagmamahal sa kapwa o sa Diyos.
2. Tukuyin kung paano ipinakita o ipinadama ang pagmamahal.

Halimbawa/Posibleng preparasyon:
“Anak” ng TV ad ng Bioflu


Ipinakita sa TV ad ng Bioflu na “Anak” ang pagmamahal ng ama sa kanyang anak na may sakit. Iniwan nya ang kanyang trabaho upang maalagaan at mabantayan ang anak na may mataas na lagnat, masakit na katawan at baradong ilong.